Pumanaw na ang bunsong kapatid ni Nora Aunor na si Eddie 'Buboy' Villamayor kaninang bandang alas-kuwatro ng madaling-araw, June 27.
Siya ay 56 years old.
Matagal na naratay sa FEU Hospital si Eddie pagkatapos niyang ma-stroke noong July 2015.
Matatandaang nito lamang Mayo ay naghayag ng kanyang saloobin si Nora tungkol sa hindi diumano pagdalaw ng kanyang mga anak sa kanilang Tito Buboy, na matagal nang nakaratay sa ospital.
Read: Nora Aunor disappointed with children for not visiting their sick uncle
At pagkalipas lamang ng ilang linggo ay tuluyan na ngang binawian ng buhay ang kapatid ng Superstar.
Ibuburol ang mga labi ni Eddie sa Loyola Columbary, sa Commonwealth, Quezon City, simula mamayang gabi.
Nagpaabot na ng kanilang pakikiramay ang ilang mga kasamahan niya noon sa industriya; kabilang na ang '70s matinee idol na si Arnold Gamboa at ang dating entertainment columnist na si Baby K. Jimenez.
Lingid sa kaalaman ng marami, si Eddie ay naging child star at teen star noong dekada '70.
Ilan sa mga pelikulang nagawa niya ay ang Banaue (1975), Alkitrang Dugo (1975), at Minsa'y Isang Gamu-gamo (1976).
Gumanap na magkapatid sina Nora at Eddie sa Minsa'y Isang Gamu-gamo, kung saan binitawan ng Superstar ang classic line niyang 'My brother is not a pig...' matapos barilin ng sundalong Amerikano ang karakter ni Eddie dahil napagkamalang baboy-ramo. Naging makulay rin ang buhay pag-ibig ni Eddie dahil sa pagkakaugnay niya noon sa dating ka-love team na si Winnie Santos, isa ring sikat na teen star noong '70s at nakababatang kapatid ng Star For All Seasons na si Vilma Santos.
Sinasabing maraming hindi sang-ayon sa pag-iibigan nina Eddie at Winnie dahil sa matinding kumpetisyon noon ng kani-kanilang mga kapatid.
Sina Eddie at Winnie ay naging bahagi ng Apat Na Sikat, na kinabibilangan din nina Maribel Aunor at Arnold Gamboa.
Kalaunan ay pinalitan si Eddie ni Dondon Nakar.