Saturday, July 16, 2016

Sikreto nina Jay-R at Alma nabuking ni Jessica (2016)



NGAYONG gabi, tampok sa Kapuso Mo, Jessica Soho ang ilang artista at ang kanilang kuwento tungkol sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
Noong Martes, marami ang nagulat nang kasama sa mahigit 200 sumukong pusher at drug user sa Toledo Police Station sa Cebu ang singer na si Jay-R Siaboc. Umamin ang singer na gumagamit siya ng ipinagbabawal na gamot subalit mariin niyang itinanggi na nagtutulak rin siya.
Samantala, ang artista at dating beauty queen na si Alma Concepcion, ikukuwento kung paano niya nalampasan ang madilim na kabanata ng kanyang buhay nang na-deport siya noon sa airport sa Guam matapos mahulihan ng .08 gramo ng shabu.
Sa panayam ni Jessica Soho kina Jay-R at Alma, panoorin ang mga kuwento na magpapatunay na walang mabuting naidudulot ang paggamit ng ipinagbabawal na gamot. Sa Davao del Sur naman, kakaiba ang atake ng mga pulis para kausapin ang mga pinagsususpetsahang mga tulak at gumagamit ng illegal na droga.
Bilang bahagi ng Oplan Tokhang, hinaharana nila ang mga ito. Babalikan din ng KMJS ang naging buhay ni Willy Garte, ang bulag na mang-aawit na nagpauso noon ng kantang “Bawal na Gamot”. Ang mensahe ng awitin, napapanahon pa rin magpahanggang ngayon.
Ang makulay na kulturang Pinoy, makikita naman sa mga katutubong laro. Sa Marawi, patuloy pa ring nilalaro ng mga Maranao ang Sipa sa Lama at napakakulay na Sipa sa Manggis. Sa Barlig Mt. Province naman, buhay na buhay pa rin ang sus-uwat o paduyan-duyan at sangkor o bunong braso. Tigil muna sa online games at ngayong Linggo makilahok sa mga katutubong laro.
Kamakailan lang, nagpost sa kanyang Facebook account si Laurie ng panawagan ukol sa anak niyang nakidnap, si Earl. Pero si Earl, 1997 pa pala nawawala. Matapos kasing ideklarang “cold case” ng NBI dahil sa kakulangan diumano ng ebidensya, social media na lang daw ang naiisip na paraan ni Laurie para malaman ang katotohanan sa kinahinatnan ng anak niyang tinatayang 21 taong gulang na ngayon.
Kinakalap ni Laurie lahat ng makukuha niyang impormasyon lalo pa’t kalaban niya ang oras. Si Laurie kasi, may stage 4 lung cancer. Tunghayan ang kuwento ng isang ina na sa kabila ng banta sa kanyang kalusugan, inuuna pa ring maghanap ng kasagutan kung anong nangyari sa kanyang anak. Huwag palampasin ang Kapuso Mo, Jessica Soho ngayong Linggo, pagkatapos ng Ismol Family sa GMA.

No comments:

Post a Comment