MAY dalawang bodyguard pa ring nagbabantay ngayon kay Vhong Navarro kahit saan siya magpunta.
Kahit daw halos dalawang taon na ang nakalipas matapos ang nangyaring iskandalo sa buhay niya dahil kina Cedric Lee at Deniece Cornejo, natatakot pa rin si Vhong para sa kanyang buhay.
Sa nakaraang presscon nga ng latest movie ng TV host-comedian na “Buy Now Die Later” na isa sa mga official entry sa 2015 MMFF, kasama pa rin ni Vhong ang dalawa niyang bodyguard.
“Ang tao ngayon pag pinapatay parang ipis na lang. Mahirap, eh,” sabi ni Vhong na ramdam pa rin ang trauma at takot. “Hindi naman nawawala yung takot. Pero kasi, ang paniniwala ko sa Panginoon,
binibigay ko na sa kanya lahat, eh. Kung kailangan na ba akong kunin, eh, wala tayong magagawa, hindi natin mapipigilan yon. Basta ang pananampalataya ko nasa Kanya. “‘Yung proteksyon na hinihingi ko, nasa Kanya rin.
Kasi kahit anong dami ng body guard mo, kahit 30 pa ‘yan,
eh, kung talagang kukunin ka na, wala kang magagawa,” sey pa ni Vhong. May chika na balak na raw makipag-ayos sa kanya ng kampo nina Deniece at Cedric para hindi na niya ituloy ang kaso, “Alam n’yo, ang sarap sanang magsalita.
Ang sarap magsabi ng kung ano ‘yung mga nararamdaman ko. Ang hirap lang kasi may gag order tayo.
“Kumbaga, iyon ay mga hindi pupuwedeng masabi kasi baka maapektuhan naman kami…tuloy pa rin naman yung kaso.
Hindi po ako makikipag-ayos. May mga nakarating po sa amin, pero…” biting tugon ng comedian.
Natanong din si Vhong sa presscon ng “Buy Now Die Later” kung napatawad na niya ang grupo ni Cedric sa ginawa sa kanya noon? “Sa ngayon kasi, ang hirap po kasing magpatawad sa tipong ikaw pa yung binabaligtad.
“Paano mo patatawarin ang isang tao kung ikaw ‘yung binabaligtad, na ikaw ‘yung masama, eh, paano po iyon?
Kaya mo naman silang patawarin, eh, pero paano mo patatawarin kung ikaw pa ‘yung pinalalabas na masama?
“At tsaka, hindi naman humihingi ng tawad, so paano mo patatawarin. Kasi, kaya namang magpatawad ng tao. Tao rin lang naman po ako, pero paano ka magpapatawad kung ikaw ‘yung palalabasing masama,” matapang na pahayag ni Vhong.
Anyway, muling sasabak si Vhong sa horror-comedy film na “Buy Now Die Later” na lalaban nga sa MMFF 2015 sa darating na Disyembre. Pero aniya, mas seryoso ang atake niya sa kanyang role dito bilang isang photo journalist na makikipagkasundo sa “demonyo” (ginagampanan ni TJ Trinidad) para magtagumpay sa kanyang propesyon.
Makakasama rin sa movie sina Alex Gonzaga, Rayver Cruz, Lotlot de Leon, John Lapus at Janine Gutierrez, sa direksyon ni Randolph Longias, produced by Quantum Films.
No comments:
Post a Comment